Home » Post Item » Paalam KA ERDY
Paalam KA ERDY
September 19, 2009Noong Agosto 31, 2009, pinapagpahinga na ng Diyos ang pinakamamahal naming Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eraño G. Manalo. Ang balitang ito ay nakapagdulot ng labis na pagdadalamhati sa mga kapatid sa Iglesia. Marami sa amin ang hindi makapaniwalang iniwan na kami ng aming Ka Erdy na pinangunahan ang Iglesia ng buong puso, buong giting at pagibig sa loob ng 46 na taon. Ang Iglesia ay lumaganap sa buong Pilipinas sa pangunguna noon ng Kapatid na Felix Y. Manalo, ang sinasampalatayanan naming sugo ng Diyos sa mga huling araw na ito sa bisa ng mga hula na nakasulat sa Bibliya. Nang siya ay pinagpahinga na ng Diyos noong Abril 12, 1963, ang bigat ng responsibilidad ay naatang sa balikat ng Kapatid na Eraño G. Manalo. Siya ay opisyal na naitalaga bilang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo noong Abril 23, 1963. Subalit marami ang nanghula na ang mga pagtatagumpay na nagawa ng Kapatid na Felix Y. Manalo ay hindi kayang higitan o tumbasan man lamang ng Kapatid na Eraño G. Manalo. Marami ang nagsabi na ito na ang simula ng pagbagsak ng Iglesia. Nagkamali silang lahat ng akala. Sa mga unang buwan ng kanyang panunungkulan, dinalaw niya ang mga kapatid sa iba’t-ibang mga lokal at pinalakas ang loob na noon ay labis na nangungulila sa pagpanaw ng Sugo. Dahil dito, lalong tumibay ang mga kapatid. Sa pangunguna ng Kapatid na Eraño G. Manalo, ang Iglesia ay lalong natanyag at nagtagumpay sa iba’t-ibang larangan ng gawain nito lalo na sa gawaing pagpapalaganap. Ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng iba’t-ibang paraan ng pagpapalaganap katulad ng mga pamamahayag, mga programang panradyo at telebisyon, pamamahagi ng mga Pasugo at polyeto at pagpapadala ng mga ministro at manggagawa sa iba’t-ibang panig ng daigdig.. Nang maglaon ay naitatag ang DZEM Radio at Net25 Television, mga istasyong ang pangunahing layunin ay ang palaganapin ang mga dalisay na aral Diyos. Dahil dito, ang Iglesia ay lalong lumaganap sa buong Pilipinas na ngayon ay bumibilang na sa mahigit limanlibong lokal ang nakatalatag sa buong kapuluan. Ito ay lumaganap din sa iba’t-ibang panig ng daigdig. Sa kasalukuyan ay may mga nakatatag ng mga Lokal sa 90 mga bansa at teritoryo sa buong mundo ang Iglesia Ni Cristo na kinabibilangan ng 102 lahi at nasyonalidad. Sila ay masinop na pinangangasiwaan ng Pamamahala katulong ang mga Ministro, Manggagawa at mga Maytungkulin upang madalang sakdal ang mga kapatid tungo sa nalalapit na kaligtasan. Napakarami pang mga bagay ang naisakatuparan ng Ka Erdy sa panahon ng kanyang pangunguna sa Iglesia. Ang Iglesia ay nakapagpatayo ng mga naggagandahan at naglalakihang mga kapilya na sinasampalatayanan naming nakapagbibigay ng kaluwalhatian sa Pangalan ng Panginoong Diyos, ang Amang nasa langit. Ang pinakamalaki at pinakamaganda dito ay ang Templo Sentral na matatagpuan sa Diliman, Quezon City na naihandog sa Diyos noong taong 1984. Dito din matatagpuan ang Tanggapang Sentral ng Iglesia Ni Cristo. Nasa kalapit nito ang New Era University, New Era Hospital, Pavilion at Tabenakulo na naitatag din sa panahon ng Ka Eraño. Nariyan rin ang mga proyektong pambahay para sa mga kapatid, Lingap sa Mamamayan katulad ng medical and dental missions na ang nakikinabang ay hindi lamang ang mga kapatid sa Iglesia kundi maging ang mga hindi kaanib nito. Nariyan din ang Iba’t-ibang proyektong panlipunan tulad ng tree planting projects, clean up drives at mga proyektong pangkabuhayan at panghanapbuhay. Ang lahat ng ito’y masinop na naisakatuparan sa pangunguna ng Ka Erdy. Higit sa lahat, ang pangangailangang espirituwal ng mga kaanib sa Iglesia ang higit na pinagukulan ng Pamamahala ng kanilang buhay at lakas. Hinubog din nila ang mga kapatid na maging mabuting mamamayan ng bansa. Walang sinayang na panahon ang Pamamahala upang ang Iglesia ay maihatid nila sa mataas na uri ng paglilingkod sa Dakilang Lumikha. Sila ay ginamit na bibig ng Diyos upang hatdan kami ng mga payo, saway at mga tagubilin upang manatili kaming karapatdapat na mga lingkod ng Diyos. Dahil sa kanilang mga pagpapagal, ang mga kapatid ay naging matibay sa pagasa at pananampalataya.
Tunay na katangi-tangi ang mga naisagawa ng Kapatid na Eraño G. Manalo sa buong panahon ng Kanyang pangunguna sa Iglesia. Hindi matatawaran ang kanyang mga nagawa para sa kapakanan ng mga kapatid at maging ng mga hindi kapatid sa Iglesia. Ito ang dahilan kaya ganon na lamang ang kalungkutang nadama ng mga kapatid sa kanyang paglisan. Hindi katakataka kung bakit hindi mapatid-patid ang pagdating ng mga kapatid upang masilayan man lamang siya at makapagbigay pugay at respeto kahit sa huling sandali. Kahit ang katumbas nito ay ang mahabang pagpila at pagtitiis dahil sa dami na rin ng mga nais makiramay. Lalong nadama ng mga kapatid ang labis na pagdadalamhati ng ang Tagapamahalang Pangkalahatan ay inihatid na sa kanyang pansamantalang libingan. Hindi mapigilan ng mga kapatid ang pagtulo ng luha na nakipagsabayan sa mga patak ng ulan. Maging ang mga nanood sa telebisyon sa kani-kanilang tahanan sa buong mundo ay ganon din ang nadama. Tunay na napalaking alaala ang iniwan ni Ka Erdy sa aming mga puso. Mapalad ang Iglesia Ni Cristo sa pagkakaroon ng Pamamahalang tunay na nagmamalasakit sa kapakanan ng mga kaanib nito. Ito ay nasaksihan namin kina Kapatid na Felix Y. Manalo at Eraño G. Manalo. Tunay na ginagabayan sila ng ating Panginoong Diyos. Kitang-kita ito sa mga pagtatagumpay na inani ng Iglesia Ni Cristo. Ito’y gawa ng Makapangyarihang Kamay ng Diyos. At ito’y magpapatuloy sa Pamamahala ng Kapatid na Eduardo V. Manalo.
Nangangako kami na lahat ng mga pagpapagal ng Kapatid na Eraño G. Manalo ay hindi namin iwawalang kabuluhan. Mananatili kaming matatag at matibay sa pagasa at pananampalataya hanggang sa huling sandali ng aming mga buhay. Mananatili kaming IGLESIA NI CRISTO.
Ka ERDY…hanggang sa muling pagkikita. Paalam po.



